Thursday, September 29, 2016

Rebolusyon Ng Sikmura

Ni Karl Santos

I.
Matagal nang kumakalam
Ang sikmura ng mamamayan.
Sinasanay tayo ng kapalaran na kainin kung ano ang nasa harapan:
Sa kamatis na walang tuyong kapares sa agahan;
Sa patis na walang maisawsaw na dilis sa tanghalian;
Sa pagtitiis at pagpiling itulog na lang ang hapunan.

Ang Rebolusyon ay magmumula sa mga kumukulong sikmura.

Hangga't may laman ang ating tiyan,
Mababawi natin ang kapangyarihan
Sa mga angkang nagsasalitang
Maupo sa trono't nagpapakayaman.

II.
Sabay sa pagsikat ng araw sa dalampasigan
Dadaong sa pampang ang mga maagang namalakaya.
Sa pabulong na kalam ng kanilang sikmura
Nakahalo ang sigaw ng kanilang pagdurusa.
Paulit-ulit nangingisda sa dagat ng mga sakim,
May mga pumapakyaw ng huli't sinasabuyan lang sila ng asin.

Subalit sa asin ay di tayo luluhod.
Matatalim na kristal-dagat ay di para sa tuhod,
Sapagkat kapag tayo'y ginigipit,
Sa maantang mantika't asin tayo kakapit.

Ang Rebolusyon ay magmumula sa mga kumukulong sikmura.

Hangga't may laman ang ating tiyan,
Mababawi natin ang kapangyarihan
Sa mga berdugong bihasa sa pagpugot
Ng dangal na ating itinataguyod.

III.
Taas-noo ang tanghaling-araw sa nakalatag na bukirin,
Kinakalmot ng sikat ang balat ng mga nagtatanim.
Sa pagpatak ng kanilang pawis sa lupa,
Nagiging putik ang pag-asang gutom ay humupa
Sa maghapong pagbibilad at pagtatanim ng palay
Sa bukid na may mga buwaya't halimaw.

Subalit sa pagtitiyaga natin sa kaning hindi umalsa,
Magkakalakas tayong magkasa ng baril at mag-alsa.
Darating ang araw na sa mga bungo ng mga de-puta
Magpupunla tayo ng kalayaan gamit ang mga pulang bala.

Ang Rebolusyon ay magmumula sa mga kumukulong sikmura.

Hangga't may laman ang ating tiyan,
Di mapapagot ang ating katinuan.
Alam natin kung kanino babawiin ang kapangyarihan
At kung kaninong diyos tayo hihingi ng kapatawaran.
Hangga't hindi tayo nabubusog sa kasaysayan,
Di natin maipanghihimagas ang kalayaan.

No comments:

Post a Comment