Thursday, September 29, 2016

Rebolusyon Ng Sikmura

Ni Karl Santos

I.
Matagal nang kumakalam
Ang sikmura ng mamamayan.
Sinasanay tayo ng kapalaran na kainin kung ano ang nasa harapan:
Sa kamatis na walang tuyong kapares sa agahan;
Sa patis na walang maisawsaw na dilis sa tanghalian;
Sa pagtitiis at pagpiling itulog na lang ang hapunan.

Ang Rebolusyon ay magmumula sa mga kumukulong sikmura.

Hangga't may laman ang ating tiyan,
Mababawi natin ang kapangyarihan
Sa mga angkang nagsasalitang
Maupo sa trono't nagpapakayaman.

II.
Sabay sa pagsikat ng araw sa dalampasigan
Dadaong sa pampang ang mga maagang namalakaya.
Sa pabulong na kalam ng kanilang sikmura
Nakahalo ang sigaw ng kanilang pagdurusa.
Paulit-ulit nangingisda sa dagat ng mga sakim,
May mga pumapakyaw ng huli't sinasabuyan lang sila ng asin.

Subalit sa asin ay di tayo luluhod.
Matatalim na kristal-dagat ay di para sa tuhod,
Sapagkat kapag tayo'y ginigipit,
Sa maantang mantika't asin tayo kakapit.

Ang Rebolusyon ay magmumula sa mga kumukulong sikmura.

Hangga't may laman ang ating tiyan,
Mababawi natin ang kapangyarihan
Sa mga berdugong bihasa sa pagpugot
Ng dangal na ating itinataguyod.

III.
Taas-noo ang tanghaling-araw sa nakalatag na bukirin,
Kinakalmot ng sikat ang balat ng mga nagtatanim.
Sa pagpatak ng kanilang pawis sa lupa,
Nagiging putik ang pag-asang gutom ay humupa
Sa maghapong pagbibilad at pagtatanim ng palay
Sa bukid na may mga buwaya't halimaw.

Subalit sa pagtitiyaga natin sa kaning hindi umalsa,
Magkakalakas tayong magkasa ng baril at mag-alsa.
Darating ang araw na sa mga bungo ng mga de-puta
Magpupunla tayo ng kalayaan gamit ang mga pulang bala.

Ang Rebolusyon ay magmumula sa mga kumukulong sikmura.

Hangga't may laman ang ating tiyan,
Di mapapagot ang ating katinuan.
Alam natin kung kanino babawiin ang kapangyarihan
At kung kaninong diyos tayo hihingi ng kapatawaran.
Hangga't hindi tayo nabubusog sa kasaysayan,
Di natin maipanghihimagas ang kalayaan.

Wednesday, September 28, 2016

Sa Unang Lumimot

Ni Karl Isaac Santos

Dinadaya ako ng pahanong
Sinusubukan kong dayain.
Ang panahon ay alimuom
Ng ulan. Madaya. Mainit sa pakiramdam
Kahit malamig ang paligid.
Lagnat sa dibdib ang panahong
Ibig kitang limutin.
Subalit, paano nga ba
Lilimutin ang unang lumimot,
Kung naaalala ko
Sa panahong gusto kong malimot
Ang huli mong halik sa pisngi
At ngakong hindi mo ako malilimot?

Tuesday, September 27, 2016

Daniw Ti Panagayat

*ILOKANO-FILIPINO POEM*
Ni Bayani Macatiag Gabriel

DANIW TI PANAGAYAT

Itartaray ti angin 'toy timekko
No kasangsango ka.
Isu a kadayta nga rabii
A naraniag ti bulan,
Ramanak ti tunggal letra
Tapno masigurok nga nasam-itda;
Isabbuagko ti angin
Tapno maanglabko no nabangloda metlang;
Sakak ida maysa-maysaen nga urnungen
Keng ubunen tapno agbalin a sao;
Agbalin a daniw.

Kastoy ayat ti aramidek
Maibagak laeng ti limed a panagayat.

Bay-am kuma a agitoy
Dandaniwko iti mangarog kengka.

* * *

TULA NG PAG-IBIG

Itinatangay ng hangin ang aking tinig
Kapag kaharap kita.
Kaya ngayong gabi
Na maliwanag ang buwan,
Titikman ko ang bawat letra
Upang masigurong matamis ang mga ito;
Isasaboy ko sa hangin
Upang masamyo kung mabango rin.
At saka ko isa-isang iipunin
At tutuhugin upang maging salita;
Maging tula.

Ganito mahal ang aking gagawin
Masabi lamang ang lihim na pagtingin.

Hayaan mo sanang
Ligawan ka ng aking mga tula.

Monday, September 26, 2016

May Luha Ang Tula

Ni Ronald Marzona

Sinilip ko ang malungkot mong tula:
Wala akong lungkot na nakita.
Hinipo ko ang mga sugatang salita:
Walang dugong umalagwa.
Walang lungkot.
Walang sakit.
Wala.

Ngunit nang niyakap ko na ang iyong tula,
Sa mata ko, may humikbing luha.

Sunday, September 25, 2016

Pisat

Ni Renzel Mae G. Robiños

Beeep!

Malakas na busina ng bus ang nagresulta sa hindi mahulugang-karayom na mga usisero.

Kalunos-lunos. Kagimbal-gimbal. Karumal-dumal ang pagkadurog ng laman, paglabas ng mga buto at pagkalat ng pulang katas ng buhay ng kaawa-awang mga kamatis.

Saturday, September 24, 2016

Dag-im

Ni Lawrence Avillano VII

Ang layu-layo mo.
Tinangka kitang lapitan
At napaso ako
Sa init ng sarili kong pagmamahal.
Sagad sa kaluluwa ang lamig mo at pait,
Parang bagong bukas na beer:
Malamig,
Mapait.
Hinahanap-hanap ko.

Ang layu-layo mo,
Ngunit ginawa kong lahat
Upang ika'y malapitan.
Umaasa akong nasa akin
Ang huling pirasong bubuo sa'yo.
Hindi pala:
Libu-libong bahagi pala ang nawala
sa'yong pagkabasag.
At ngayon,
Pareho na tayong wasak
At may malalalim na sugat.

Tinangka kitang lapitan, mahal,
Sa sarili mong mundo--
Mundong binuo mula sa luha.
Ninais kong makisalo
Sa hinagpis mo't pait.
Ngunit, mahal,
Patuloy na bumabalong ang 'yong luha,
Hindi mula sa mata kundi
Mula sa apdo at sa puso mong nalason
Nang kamandag ng unang pag-ibig.
Mahal kita
Kaya hindi na ako lalayo,
Kahit alam kong mauuna pa akong malulunod
Sa mundo mong hilam sa luha.

Mahal,
Hindi ko sasabihin sa'yong
Gumising ka na
Sa kabaliwan,
Dahil ako'y tulad mo ring baliw
Mula pa noong
Una kong hakbang
palapit sa'yo.

Friday, September 23, 2016

Kaka

Ni Raven Escaño

Ayan na si Kaka
Bubuka-bukaka.
Sumobra sa buka
Nagkaro'n ng bata.

Thursday, September 22, 2016

Itim Na Bituin

Ni Karl Santos

Hinihintay ko ang ganitong gabi
Na magugusot ang puting ulap.
Nakatitig tayo sa kani-kaniyang
Itim na bituin:
Nagtatago sa malamlam na talukap
Tuwing nagsasabay na ang ungol
At langitngit ng maganit
Nang langit.
Umulan sa loob mo
Nang humihingal kang bumulong,
"Nasa lahi talaga natin
Ang maitim na bituin."

* Unang nalathala sa Philippines Graphic Magazine

Wednesday, September 21, 2016

Isang Wala Lang na Dagli

Ni Reuel Aguila

Sabi ko sa kainuman ko: NO, HINDI lang ito dahil isa kami sa libo-libong Pilipino na nakulong, na-torture, namatayan noong Martial Law...

Pinamo-move on mo ako na para bang broken hearted lang ako. Pinamo-move on mo ako dahil hindi mo naranasan ito o maramdaman man lang o maunawaan man lamang... o, ayaw tangkaing unawain kasi nosebleed na ito para sa iyo.

Tungkol ito sa isang pamamalakad na hindi na dapat maulit dahil habang ninanakawan ang bayan at pinagmamarahasan ay dinarakila pa ang pangulong ito at ang kakutsaba nila bilang bayani. At, naniniwala ka naman na bayani nga sila.

Pero higit sa lahat, tungkol ito sa pagpigil, na hindi na dapat maulit ito para ikaw mismo at ang kabataan ngayon ay hindi na mapagnakawan, o ikulong o i-torture o paslangin nang ganoon-ganoon na lang.

Pinamo-move on mo ako? Baka yan mismong pagsasabi mong yan, pati na yang tapang mo sa facebook o twitter, e, ipagbawal na rin sakaling matuloy yong sabi mong ok lang ang panahon ng diktador.

Para sa iyo ito at sa iba pa, na hindi ninyo maranasan ang kawalanghiyaang ginawa sa libo-libong kami; at sa panggagahasa sa buong bansa.

On the other hand, sana maranasan mo rin... at ako naman ang magsasabi sa iyo na: mag-move on ka na.
Aba, napikon ang kainuman ko. Tumayo at humakbang papalayo.

Tumayo na rin ako: Bata, magpatak ka muna rito. Aba, hindi forever na kami ang magbabayad sa luho nyo.

Tuesday, September 20, 2016

May Pag-asa Pa

Ni Mara Atienza

Hanggang may isang Juan
Na sa dugo'y nananalaytay
Ang pag-ibig sa inang bayan,
Patuloy na mag-aalab;
Maglalagablab itong apoy
Na sumisimbolo sa kagitingan.
Kagaya ng isang phoenix:
Mula sa abo siya'y muling babangon
Dala ang bagong pag-asang ninakaw ng kahapon.

Monday, September 19, 2016

Insomia

Ni Fernando Castor Chaves

Wala pang pag-aamba
Ang daluyong ng antok
Sa buong silid .
Panatag ang gabi
At tanging awit ng kuliglig
Ang maririnig.
Mula sa siwang ng bintana ,
Tanaw ang ningning
Na taglay ng buwan
Na pinapapusyaw ng dilim.
Sa buong magdamag,
Pikit matang nanamnamin
Ang pagod,
Hahayaang lamunin
Ng kumot at kobre kama
Ang katawang pagal sa buong maghapong pagkayod.
Isang malaking tipak ng unan
Ang sasalat sa isip
At walang humpay na makikipaglaro
Sa diwang 'di makuhang pumikit,
Sa 'di maapuhap na sagot
Ng mga nagliliparan, nagsasalubong na mga tanong.
Muli,
Babangon ka't
Mag-aabang na dalawin ng antok.
Makikinig sa mga musikang
Hahaplos sa iyong ulo't tiyan
Na sa'yo'y maghehele
Hanggang muling maramdamang lumulutang
Ang kaluluwa mula sa
Hiram na katawan.

Sunday, September 18, 2016

Dark Secret

Ni Jade Mark Capiñanes

“Darling, tell me your darkest secret.”

“Huwag na. Nahihiya ako.”

“Sige na. Gusto mo ako ang mauna?”

“Sige na nga. Shoot.”

“I'm not wearing any underwear right now.”

“Binibigla mo naman ako, e.”

“Ano na? Tell me your secret.”

“Fine. Basta huwag mong sabihin sa iba, ha?”

“Trust me.”

“Well, paano ko ba sasabihin 'to. You remember last time I told you I hate Murakami? That I don't read his works? Kasi mainstream? That's just snobbery.”

“What? Ano'ng kinalaman ni Murakami dito?”

“Sabi mo darkest secret. To tell you honestly, I like the works of Murakami. You know we, Murakami and I, both have the taste for the surreal, the magical, the fantastic. For dry humor. And we both love the minimalism of Raymond Carver. Ugh. I can't believe I'm telling this to you right now.”

“Okay. Ngunit hindi ba sabi mo dati you hate his works dahil socially detached?”

“At least they don't pretend to be 'socially aware.' Hindi gaya ng iba diyan na hindi pina-practice what they preach. And when you think about it, social awareness must always start at the personal. Sometimes 'socially aware' is just a lie we tell ourselves when we are already tired of trying to come to terms with the mysteries of the self.”

“Sabi mo rin hindi ba na depression porn?”

“I was referring to 'Norwegian Wood.' I'm more into his short fiction pieces. Just because you like an author doesn't mean you like all his works. Like Barthelme. You know I like most of his postmodern works, lalo na 'yung metafictional, but some are just purely intellectually masturbatory.”

“Shit ka naman, e. I just told you I'm not wearing any underwear right now, and 'yan ang sasabihin mo? And you mention about masturbation, hindi pa in the erotic sense. 'Yan na ba darkest secret mo? Reading Murakami? Can't it be more personal, intimate?”

“Sorry. Sige na nga. 'Yung brief ko ngayon may mukha ni Murakami.”

Saturday, September 17, 2016

Init

Ni Fernando Castor Chaves

Impiyerno ang langit
Ng pag-ibig: 'sing-init
Ng pusong nagtatalik.

Friday, September 16, 2016

Haraya: Mga Hinabing Salita

Haraya: Mga Hinabing SalitaIto ang opisyal na logo ng Haraya: Mga Hinabing Salita.

Narito ang pagpapakahulugan sa bawat simbolo na makikita sa logo:

a. Tatlong titik ng Baybayin — mga titik na kumakatawan sa 'ha,' 'ra,' at 'ya.' Ang baybayin ang sumasagisag sa pagpapahalaga ng pahinang ito sa sining at kultura ng mga Pilipino.

b. Mga dahon ng Laurel — ginagamit na putong para sa mga may mataas na karunungan. Sumasagisag sa pangangalaga at pagbibigay karangalan ng pahina para sa sining ng bawat isa.

c. Pluma — o panulat na siyang ginagamit ng manunulat upang maisatitik ang kanyang mga haraya. Sumasagisag sa pagkilala ng pahina sa mga panitikan ng bansa, mula man sa mga kilala na maging sa mga bagong usbong na manunulat.

d. Bukas na Aklat — ang pinakamalaking simbolong makikita sa logo na sumasagisag sa pagiging bukas ng pahina para sa lahat ng mga mambabasa at manunulat na Pilipino na nais maaliw at magbasa, magpakita ng talento, at matuto pang higit sa larangan ng panitikan.

Bisitahin ang aming Facebook page sa facebook.com/harayamgahinabingsalita

Gamitin ang aming official hashtag
#HarayaMgaHinabingSalita
#MgaHinabingSalita
#TeamHaraya

Maraming salamat sa pagtangkilik sa HARAYA: MGA HINABING SALITA!